Para sa mga kabataan-estudyante:
Bilang susunod na henerasyon ng uring manggagawa, nanawagan kami sa inyo na basahin at talakayin ninyo ang laman ng aming sulat para sa inyo. Walang mawawala sa inyo kung gagawin ninyo ito. MARAMING SALAMAT.
Ang mundo ngayon ay nababalot ng kaguluhan, digmaan, kahirapan, gutom, epidemya at patuloy na pagkasira ng kalikasan. Idagdag pa natin ang lumalalang kabulukan ng lahat ng mga gobyerno, Kaliwa man o Kanan ang nasa pamunuan; ang drug addiction at gangsterimso laluna sa inyong hanay, at ang halos walang katapusang kriminalidad, at iba pa.
Ang iba’t-ibang gobyerno, mula sa pinakaabante hanggang sa pinakaatrasadong mga bansa kasama ang iba’t-ibang malalaking multilateral na mga institusyon gaya ng United Nations at iba’t-ibang Non-Government Organizations (NGOs) habang nangangakong hanapan ng solusyon ang mga mabibigat na problemang pinapasan ng sangkatauhan ay nagtuturuan kung sino ang may kasalanan sa delubyong nangyayari ngayon.
Ang mga Kaliwa naman, mga umaangking sila ay ‘komunista’ — Maoista, Stalinista, Trotskyista at ‘Leninista’ — at mga anarkista ay sinisisi ang Globalisasyon (Liberalisasyon, Pribatisasyon at Deregulasyon); sinisisi ang estado dahil pinabayaan diumano na pagsamantalahan ang mga mamamayan ng mga korporasyong multinasyunal at transnasyunal. Para sa Kaliwa, ang solusyon ay ang pagtatayo ng ‘estado ng manggagawa’ o ‘demokratikong gobyernong koalisyon’ na kokontrol sa buhay panlipunan, na ang tunay na kahulugan ay KAPITALISMO NG ESTADO.
Subalit marami pa rin ang nagtatanong at nababahala: May magandang kinabukasan pa ba ang mundo sa ilalim ng kasalukuyang panlipunang sistema o hindi na mapigilang mawasak ito?
Kung mayroon mang pinaka-interesado na sagutin ang tanong na ito ay dapat kayong mga kabataan-estudyante dahil nasa inyong mga balikat ang kinabukasan ng mundo. Sa ilalim ng sistemang kapitalismo, kayo ang susunod na henerasyon ng mga sahurang alipin ng kapital. Kayo ang magkakaroon ng panibagong mga pamilya at siguradung kayo mismo ang bubuhay at magpalaki sa inyong mga anak.
Kayo ay nag-aaral at nagsisikap makapagtapos ng pag-aaral dahil sa layuning magkaroon kayo ng magandang kinabukasan hindi lamang para sa inyong mga sarili kundi higit sa lahat para sa inyong mga pamilya sa hinaharap. Kaya napakahalaga ang tanong sa itaas na masagot ninyo bilang mga manggagawa sa hinaharap (kahit marami na sa inyo ngayon ang naging manggagawa para matustusan ang pag-aaral). Subalit hindi ninyo masagot ang tanong kung patuloy kayong matali sa mga usapin sa loob lamang ng eskwelahan gaya ng pagtaas ng matrikula. Ang matrikula ay mahigpit na nakaugnay sa pagiging ganid ng mga kapitalista sa tubo partikular sa larangan ng edukasyon. Hangga’t kapitalismo ang maghari — pribado man o estado ang magkontrol — ang sistema ng edukasyon ay laging magsisilbi sa batas ng pamilihan at sa pagsasamantala sa lakas-paggawa.
Sa Ilalim ng Dekadenteng Kapitalismo Barbarismo ang Kinabukasan ng Sangkatauhan
Ang ugat sa mga problemang dinaranas ng sangkatauhan ngayon ay ang sistema ng sahurang pang-aalipin, ang sistema ng tubo at kalakal sa pamilihan, ang sistema ng kompetisyon. Ang tawag dito ay KAPITALISMO.
Sa kasalukuyang panahon, ang pandaigdigang kapitalismo ay nasa kanyang permanenteng pagbulusok-pababa na, nasa kanyang permanenteng krisis, nasa kanyang dekadenteng yugto. Dahil pandaigdigan ang sistemang ito, walang bansa ngayon ang hindi nakaranas ng permanenteng krisis. Kahit pa ilang datos ng ‘pag-unlad’ ng ekonomiya ang ilathala ng mga gobyerno sa buong mundo, ang katotohanan ay patuloy na lumalala ang kahirapan sa daigdig. Ang walang hintong mga digmaan ngayon sa iba’t-ibang dako ng mundo ang isa sa pinakamatingkad na patunay na lumalala ang kapitalistang krisis.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo imposibleng ‘uunlad’ pa ang isang bansa na hindi nito pagsamantalahan ang ibang mga bansa. Ang ‘pag-unlad’ ng isang bansa ay bunga ng matinding pagsasamantala sa kanyang mga manggagawa at/o sa mga manggagawa sa ibang mga bansa. Ang ‘pagdami’ ng may trabaho sa isang bansa ay may katumbas ng pagdami ng mga walang trabaho sa ibang mga bansa.
Maling-mali ang mga Kaliwa sa kanilang paniniwala na kung maputol ang kontrol ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas ay uunlad na ang ekonomiya ng bansa. Ang katotohanan, sa panahon ng imperyalismo ang bawat bansa ay may imperyalistang katangian dahil ‘uunlad’ lamang ito kung pagsamantalahan nito ang ibang mga bansa sa ilalim ng islogang ‘pagkapantay-pantay’ at ‘malayang kompetisyon.’ Pangalawa, kung maputol man ang kontrol ng Amerika sa bansa, hindi malayong papasok ang iba pang ganid at makapangyarihang imperyalista kakutsaba ang mga paksyon ng burgesyang Pilipino o maging ang ilang maka-Kaliwang grupo upang kontrolin ang Pilipinas gaya ng Tsina o Japan sa ngalan ng pagpapalaya sa bansa mula sa kuko ng imperyalistang Amerikano.
Ang tunay na kaaway ng mga manggagawa kabilang na kayong mga kabataan-estudyante ay hindi lang isa o dalawang imperyalistang kapangyarihan kundi ang buong imperyalistang sistema. Ang kalaban ng mga manggagawang Pilipino ay hindi lang ang mga dayuhang kapitalista kundi mismong mga Pilipinong kapitalista na halos magkatulad lamang ang pagkaganid sa tubo at pagsasamantala sa mga manggagawa.
Ang ‘paglaya’ ng Pilipinas mula sa isang imperyalistang kapangyarihan ay pagpapatuloy pa rin ng kapitalistang pagsasamantala sa manggagawang Pilipino. Ang pagtatayo ng isang ‘sosyalistang gobyerno’ sa bansa ay pagpapatuloy pa rin ng sahurang pang-aalipin. Ang ‘kalayaan’ ng Pilipinas mula sa isang imperyalistang kapangyarihan ay pagkaalipin naman nito sa iba pang kapangyarihan.
Internasyunalistang Pagkakaisa at Pakikibaka: Ang Susi sa Tagumpay Laban sa Kapitalismo
Ang uring manggagawa bilang internasyunal na uri ang tanging uri na may istorikal na misyon at kapasidad na durugin ang kapitalismo sa buong daigdig. Siya lamang ang tanging rebolusyonaryong uri sa ilalim ng kapitalistang kaayusan.
Kung hindi madurog ang dekadenteng kapitalistang sistema, asahan ninyo na ang inyong mga pamilya sa hinaharap ay mas mahirap pa ang maranasan kaysa ngayon.
Subalit hindi madudurog ang kapitalismo at hindi maibagsak ang paghari ng mga kapitalista kung patuloy tayong matali sa balangkas ng bansa, sa balangkas ng nasyunalismo at pagmamahal sa bayan (ang mga ito ay matamis na salita lamang na ang ibig sabihin ay ipagtanggol ang pambansang kapitalismo). Isang pandaigdigang sistema ang ating kalaban kaya kailangang pandaigdigan din ang pagkakaisa. Kailangang magkaisa ang mga manggagawa sa buong mundo laban sa kapitalistang panlipunang mga relasyon.
Dagdag pa, kailangang ganap na itakwil ang mga mistipikasyon at bitag na inihain ng burgesya para ilihis ang pagkakaisa ng buong uring manggagawa — unyonismo, parlyamento at nasyunalismo. Ang mga ito ay mga instrumento na ngayon ng kapital para gawing pambala ng kanyon ang uring manggagawsa at kabataan sa nagtunggaliang mga paksyon ng burgesya sa bawat bansa.
Dalawa lamang ang sandata ng internasyunal na uring manggagawa para magapi ang kapitalismo : PAGKAKAISA at KAMULATAN sa pandaigdigang saklaw. Pagkakaisa laban sa lahat ng paksyon ng burgesya (administrasyon man o oposisyon). Pagkakaisa para palawakin ang mga pakikibaka at hindi ikulong sa iilang pabrika o ilang linya ng industriya lamang. Kamulatan na walang maasahan sa burges na estado, parlyamento at mga unyon; kamulatan na imposible na ang pakikibaka sa mga reporma dahil wala ng kapasidad ang sistema na ibigay ang mga ito. Pagkakaisa at kamulatan para ibagsak ang kapitalistang estado at lahat ng mga institusyon nito.
Walang saysay ang mga pagkilos ng ilampung katao o mga protestang tipong riot para lamang sa media projection. Ang kailangang mabuo ay ang malawakang pagkakasia ng uri at pakikibaka laban sa estadong kapitalista at hindi para sa mga reporma.
Mga susunod na henerasyon ng manggagawa, pag-isipan ninyong mabuti ang kinabukasan ninyo at ng mundo. Dalawa lamang ang pagpipilian ninyo: SOSYALISMO o BARBARISMO; INTERNASYUNALISMO o NASYUNALISMO; BAYAN o URI.
May pag-asa pa ang kinabukasan ninyo; may pag-asa pa ang mundo. Ang pag-asa at kinabukasan ninyo ay nasa mga kamay ng inyong uri — ang uring manggagawa. “Ang emansipasyon ng uring manggagawa ay nasa kamay ng mga manggagawa mismo.”
Ngunit ang pag-asa ay hindi kusang darating. Kailangan itong ipaglaban. Kailangan ninyo, kasama ang inyong uri ng isang rebolusyonaryong teorya na pinanday ng istorikal na karanasan ng inyong uri; istorikal na karanasan na binastardo at punong-puno na ng mga distorsyong kagagawan ng mga ideolohiya ng Kaliwa ng burgesya — Maoismo, Stalinismo, Trotskyismo, ‘Leninismo’ at Anarkismo. Ang teoryang ito ay walang iba kundi ang rebolusyonaryong Marxismo.
Tama si Lenin sa pagsasabing, “Kung walang rebolusyonaryong teorya ay walang rebolusyonaryong kilusan.” Ibig sabihin, ang anumang kilusan gaano man ito kalakas at kalawak, mananalo o matalo man ito, kung hindi rebolusyonaryo ang teoryang gumagabay dito ay tiyak na hindi pagpawi sa pagsasamantala at pang-aapi ang kalalabasan nito.
Mga kabataan-estudyante, ang mga organisasyon o kilusan na sinasamahan ninyo ay para ba talaga sa tunay na panlipunang pagbabago o para ipagtanggol ang kapitalismo sa porma ng kapitalismo ng estado sa likod ng programang ‘estado ng manggagawa’ o ‘demokratikong gobyernong koalisyon’? Pag-isipan ninyong mabuti, magtalakayan at mag-aral kayo sa buhay na karanasan ng pakikibaka ng internasyunal na uring manggagawa sa loob ng mahigit 200 taon.
INTERNASYONALISMOEmail address: internasyonalista@yahoo.com
Blog: http://internasyonalismo.blogsome.com
Link website: www.internationalism.org
Sana maghkaroong ng article hinggil sa nga estudyante-kabataan na manggagawa,meron naman pero mas pinagtutuunan pa rin ang kapitalismo.Mga tips sa mga tulad kong estudyante para mapagbuti ang pag-aaral.
Comment by Dona Jasmine — July 19, 2007 @ 12:06 pm
paano ba mapabuti ang pag-aaral?….mapapabuti ba ang pag-aaral sa ilalim ng kapitalismo?
Comment by cynthia — July 20, 2007 @ 8:27 pm
mapapabuti ba ang pag-aaral sa ilalim ng kapitalismo?
Comment by cynthia — July 20, 2007 @ 8:28 pm
Mapapabuti ba ang pag-aaral sa ilalim ng kapitalismo?
Ang diretsahang sagot dito ay HINDI. Subalit kung ang layunin ng isang estudyante ay makapagtapos lamang ng pag-aaral at magkaroon ng trabaho, magkaiba-iba na ang sagot dito. Depende kung sa anong perpsektiba ang pag-aaral.
Subalit dapat ilagay ang usapin ng pag-aaral sa kinabukasan na nais makamit ng isang estudyante. Sa kapitalismo kung saan market laws at intense competition not only between individual capitalists but between national capitalisms, between nations ang naghari, kahit makapagtapos ka ng pag-aaral ay WALA PA RING KATIYAKAN na magkaroon ka ng regular na trabaho at mataas na sweldo. Katunayan, uso na ngayon ang contractual workers, na papalaking bilang nito ay mga kabataan. Sa usapin naman ng sweldo, malinaw na malayong-malayo ito sa mga batayang pangangailangan kahit ng mismong manggagawa mismo.
Pero kung binata ka pa o wala kang tinutulungan na kapatid o pamilya, malamang hindi mo masyadong iindain ang mababa mong sweldo. Mararamdaman mo ito kung maging pamilyado ka na.
Sa madaling sabi, ang makapagtapos ng kolehiyo ngayon ay HINDI na garantiya na magkaroon ka ng magandang hanapbuhay at kinabukasan. Bakit? Dahil dumaranas ngayon ang pandaigdigang kapitalismo ng matinding krisis. At para makaraos sa kompetisyon ang bawat kapitalistang bansa at ang bawat kapitalista, kapakanan ng kanilang mga manggagawa ang sinasakripisyo nila. Pababaan ng labor cost ngayon ang mga kapitalista sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas. Kaya nga laging sinasabi ng mga kapitalista sa Pilipinas na “mas mataas” ang sweldo ng manggagawang Pilipino kaysa mga manggagawa sa Tsina at Byetnam. Ang ibig nilang sabihin ay dagdagan pa ng mga manggagawa ang paghihirap at sakripisyo para manatili ang kapitalismo.
Ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay nagsisilbi para patindihin ang kapitalistang pagsasamantala.
Kung ganito pala ang mangyari, HIHINTO na lang ba sa pag-aaral ang mga kabataan? Ang sagot dito ay HINDI. Dapat patuloy na mag-aaral ang kabataan at sikaping makatapos ng pag-aaral. Hindi dahil may maasahan pa sa ilalim ng kapitalismo kundi para maging mulat na manggagawa sa hinaharap. Dapat kasabay ng pag-aaral at pagsisikap na makapasa o makakuha ng mataas na grado ay ang pag-aaral din sa sistema ng kapitalismo, paano ito ibagsak at ano ang mga balakid para ibagsak ito. Kasabay nito ay ang pagbibigay ng panahon ng kabataan para ipaliwanag sa mga manggagawa mismo na walang kinabukasan sa kapitalismo at kailangan itong palitan.
MALI ang panawagan ng mga Maoista gaya ng LFS, Anakbayan at iba pa na pahintuin sa pag-aaral ang kabataan para pumunta sa kanayunan at lumahok sa armadong pakikibaka. Wala sa kanayunan ang daan para sa makauring paglaya ng manggagawa kundi nasa pakikibaka mismo ng mga manggagawa laban sa kapitalistang pagsasamantala.
Kayong mga kabataan ang susunod na henerasyon ng manggagawa. Kailangang tulungan ninyo ang inyong uri na mamulat sa katotohanan at makita ng uri ang kanilang istorikal na misyon na ibagsak ang kapitalismo at itayo ang isang lipunan na wala ng pagsasamantala at pang-aapi.
Pagkatapos maibagsak ang kapitalismo sa pamamagitan ng rebolusyon ng manggagawa saka pa lang magkaroon ng tunay na kabuluhan ang EDUKASYON, kabuluhan para sa kapakanan ng buong sangkatauhan at hindi para sa tubo at merkado. Saka pa lang ma-realisa ang EDUKASYON PARA SA LAHAT.
Hindi mababago ang kapitalismo sa pamamagitan ng paglahok sa kapitalistang eleksyon. Ito ang malaking pagkakamali ng iba’t-ibang grupo ng Kaliwa sa Pilipinas, mula sa Bayan Muna, Anakpawis, at mga kaayado nila hanggang sa PM, Sanlakas at Akbayan.
Hindi rin makatulong ang mga maliitang kilos-protesta ng kabataan na ang tanging nagagawa lamang ay para sa media projection.
Ang dapat gawin ngayon ay maglunsad ng maraming mga discussion groups sa loob ng paaralan na ang pag-uusapan ay ang kinabukasan ng kabataan sa ilalim ng kapitalismo. Ikinagagalak naming makatulong sa mga discussion groups na ito. Maari din makatulong sa inyo ang mga artikulong nasa blog na ito at sa www.internationalism.org.
Ang mahalaga sa lahat na pag-aralan ay ang lipunan at ang kinabukasan dahil ito naman talaga ang layunin ng kabataan bakit nais nilang makapagtapos ng pag-aaral.
Sikapin naming makapagsulat ng mga artikulo hinggil sa kabataan at sa kanilang pag-aaral.
Sana isulat din ninyo ang iba pa ninyong katanungan, komentraryo at suggestions sa aming mga sinulat.
PAGKAKAISA AT TIWALA ANG KAILANGANG HUBUGIN NGAYON NG MGA KABATAAN. MAGAGAWA LAMANG ITO KUNG KAYO AY MAG-ARAL — SA KALAGAYAN NG LIPUNAN.
Comment by Internasyonalista — July 21, 2007 @ 2:14 pm
pano eh di nga kumukilos ung gobyerno at saka ung mga nasa katungkulan nila di sila marunong tumupad nung mga pinangako nila nung eleksyon anung klaseng tao ba sya palibhasa sarili nya lang ung iniisip niya
Comment by michael — July 25, 2007 @ 6:51 pm
tama ka sa iyong komentaryo hinggil sa kapitalistang
gobyerno.
alam naming nadismaya ka sa gobyerno ni gloria.
subalit ang nasa likod ng pagkadismaya mo ay dahil
umaasa ka sa gobyerno at sa mga pulitiko na tutuparin
nila ang kanilang mga pangako noong panahon ng
eleksyon.
sa totoo lang, sa ilalim ng kapitalistang sistema,
kahit sino pa ang nasa malakanyang, administrasyon man
o oposisyon ay walang maasahan sa kanilang lahat para
sa kapakanan ng mga estudyante at manggagawa.
ang tanging pag-asa ay ang mulat na pagkakaisa at
paglaban ng uring manggagawa kasama ang mga kabataan
na susunod na henerasyon ng manggagawa sa
pagsasamantala ng mga kapitalista.
dapat pag-aralan ng kabataan ngayon ano ba talaga ang
kapitalismo at may magandang kinabukasan pa ba itong
maibigay sa mga kabataan at manggagawa.
Comment by 1917 — July 25, 2007 @ 11:35 pm
maganda po… sana magdagdag pa po kayo ng maraming impormasyon tungkol sa uri ng edukasyon sa ating bansa….
kawawa namn po ang bansa natin no..???
hindi matigil ang mga krimen…
Comment by joana rica millama — July 29, 2007 @ 8:09 pm
pwede bang ibigay ang ano talag ang kahalagahan ng edukasyon
Comment by sheshan — July 30, 2007 @ 8:53 pm
Napakahalaga ng edukasyon hindi lang para makahanap ng “magandang” trabaho dahil sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo, sa pangkalahatan wala ng magandang trabahong maranasan ang malaking mayorya ng kabataan kundi higit sa lahat, ang edukasyon ay kailangan para maintindihan ano ang mga nangyayari sa lipunan sa punto-de-bista ng interes ng manggagawa. Ang edukasyon na ito ay hindi mo makukuha sa loob ng eskwelahan kundi makukuha mo sa pag-aaral sa buhay na pakikibaka ng manggagawa laban sa kahirapan at pagsasamantala ng mga kapitalista.
Dito kailangang iugnay kung bakit kailangang may pinag-aralan ang mga kabataan. Subalit huwag mong sisihin ang mga kabataan na hindi nakapag-aral dahil sa kahirapan, lalunang huwag mong sisihin ang mga mahirap na magulang nila. Ang dapat mong sisihin ay ang kapitalistang sistema ng edukasyon dahil kapitalismo ang sistema ng lipunan.
Ang edukasyon ay mahalaga para maunawaan natin kung bakit kagyat at kailangang ibagsak ang kapitalismo at itayo ang sosyalismo.
Comment by 1917 — August 1, 2007 @ 9:55 am
bakit ang ating pamahalaan ay mahilig sa korapsyon? bakit karamihan sa ating mga pamayanan ay naghihirap ngayon? bakit hangang ngayon ay hindi parin umuonlad bansa natin? bakit hindi parin na babayaran ng ating bansa ang utang sa bangko sa kadamidami ng dumaan na pera sa ating bansa? bakit patuloy paring umuotang ang ating bansa sa bangko? at saan na ang pundo ng ating bansa?
Comment by lady jane D. Heruela — December 10, 2007 @ 6:14 pm
dahil ang sistema ng ating bansa at ng mundo ay kapitalismo. dahil gahaman sa tubo ang naghaharing uri. dahil ang gobyerno ay gobyerno ng mga kapitalista.
Comment by internasyonalista — December 10, 2007 @ 6:50 pm