Erap’s Trial
Hinatulan na si Erap ng Sandiganbayan sa kasong plunder: reclusion perpetua o 20-40 taong pagkabilanggo. Tulad ng inaasahan, tuwang-tuwang ang paksyong Arroyo habang nalulungkot naman ang kampo ni Estrada.
Kahit anong paksyon ng burgesya "Kaliwa man o Kanan, nasa kapangyarihan man o wala" sa panahon ng permanenteng krisis ng pandaigdigang kapitalismo ay mandarambong at magnanakaw sa yaman ng lipunan na likha ng masang anakpawis.
Implikasyon ng hatol kay Erap
Ang hatol na reclusion perpetua ay isang propaganda ng buong uring burgesya na sa ilalim ng estadong kapitalista nangibabaw ang "rule of law", na "walang sinasantong" indibidwal o paksyon maging sa loob ng nagharing uri. Sa totoo lang, hindi naman ito bago. Noong Edsa I, sinamsam ng rehimeng Aquino ang nakaw na yaman ng pamilyang Marcos na hindi naman napunta sa taongbayan kundi sa estado lang na "kumakatawan" sa interes ng buong bayan.
Ang ginawa ng burgesya kay Marcos at kay Erap ay iisa lamang ang layunin: palakasin ang estado para lubusang makontrol nito ang buhay panlipunan sa ilalim ng patakarang "rule of law". Ang "rule of law" ay ang huling depensa ng isang naghihingalong sistema kahit saang dako ng mundo ngayon.
Narito ang katotohanan sa likod ng estado (anuman ang tipo nito) sa panahon ng dekadenteng kapitalismo: ipagtanggol ang kasalukuyang kaaysuan sa pamamagitan ng mga batas bilang latigo sa uring nais ng rebolusyonaryong pagbabago sa lipunan.
Hindi na epektibo sa hanay ng ordinaryong manggagawa at mamamayan ang propaganda ng estado na "walang sinasanto ang batas". Ganun pa man, ito talaga ang direksyon ng lahat ng mga estado sa buong mundo (Kanan man o Kaliwa): palalakasin ang sarili. Alam na ng masang anakpawis na kahit anong paksyon ng nagharing uri ang papalit sa pwesto ay patuloy ang pandarambong at pagnanakaw ng mga ito.
Pero may humahadlang sa uring manggagawa at maralita na lubusang maunawaan nito ang tunay na katangian ng estado at ang buong uring mapagsamantala at hawanin mismo ng masa ang landas ng rebolusyonaryong pakikiba: ang mistipiskasyon kakutsaba ang Kaliwa, ang mistipikasyon ng pakikipag-isang prente sa isang paksyon ng burgesya para daw maisulong ang tunay na panlipunang pagbabago sa hinaharap.
Pakikipag-alyansa sa burgesya: Isang kontra-rebolusyonaryong taktika
Nakaupo si Gloria sa pwesto matapos mapatalsik si Erap noon dahil nakikipagsabwatan ang Kaliwa sa isang paksyon ng burgesya laban kay Erap. Sa lantay na linyang anti-Erap, tinali ng Kaliwa ang kamay ng masa at manggagawa sa pagpasok ni Gloria sa eksena bilang bida. Ang taktikang pakikipag-isang prente ay napatunayang hadlang sa pagtaas ng kamulatan ng masang nakibaka para sa rebolusyonaryong pagbabago.
Sa totoo lang, matagal ng napatunayan ang kontra-rebolusyonaryong katangian ng "united front". Sa 1930s sa Spain, ang militansya ng uring manggagawa ay ikinulong sa taktikang "Popular Front". Ang resulta: libu-libong buhay ng manggagawang Espanyol ang sinakripisyo sa altar ng "anti-pasistang prente". Ang WW II ang pinakamarahas at pinakamaraming patay dahil sa pagsuporta ng mga partido komunista sa pangunguna ng imperyalistang Unyon Sobyet sa isang paksyon ng imperyalistang bloke laban sa isa pa sa linyang "anti-fascist popular front". Sa Pilipinas, maamong tupa na sinunod ng PKP ang "popular front" na panawagan ng imperyalistang Rusya, ang resulta: minasaker ng hukbong Amerikano (na kaalyado nito laban sa Hapon) ang libu-libong mandirigma at masa ng Hukbalahap.
Pero lubusan ng naging kontra-rebolusyonaryo ang Kaliwa sa Pilipinas dahil itinakwil nila ang mga aral sa kasaysayan sa usapin ng "united front". Katunayan, sa halip na halawin ang mga aral sa kasaysayan hinggil sa taktikang ito ayon sa marxistang balangkas, patuloy pa rin itong ginagamit laban kay GMA ngayon. Kaya, ang dating kaaway na paksyong Estrada ay naging taktikal na alyado naman nila ngayon. At ang dati taktikal na alyado na paksyong Arroyo ay naging mortal na nila na kaaway ngayon. Ito ang resulta ng oportunistang taktika na "the enemy of my enemy is my friend".
Ang taktikang "united front" ay isang burges na taktika hindi proletaryado. Ang taktikang ito ay matagal ng ginagamit ng burgesya sa Kaliwa sa Pilipinas: ang paksyong Aquino noon ay kinikilalang taktikal na alyado ang Kaliwa laban kay Marcos; ginamit ng paksyong Arroyo ang Kaliwa para mapatalsik si Erap; ang paksyong Estrada naman ngayon ay naging "kaibigan" ang Kaliwa laban sa rehimeng Arroyo.
Ang resulta ng taktikang "united front" ay halinhinan lamang ng mga paksyon ng nagharing uri sa kapangyarihan at patuloy na pagpapalakas ng estadong kapitalista sa gitna ng permanenteng krisis ng sistema. Ang isyu ng korupsyon, panunupil at pagsasamantala na sinisigaw ng Kaliwa noon laban kay Erap ay siya ring sinisgigaw nila ngayon laban kay GMA.
Hindi talaga natuto ang Kaliwa na sa panahon ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo, ang lahat ng paksyon ng nagharing uri ay ganap ng reaksyonaryo at mortal na kaaway ng mga pinagsamantalahan at inaapi. Ang tanging tunay na united front sa kasalukuyan ay ang pagkakaisa ng mga manggagawa sa daigdig laban sa buong uring kapitalista sa loob at labas ng mga bansa nila.
"Ang emansipasyon ng mga manggagawa ay nasa kamay mismo ng uring manggagawa." Ito ang marxistang prinsipyo na kailangang laging ipagtanggol ng lahat ng mga rebolusyonaryo sa mundo, na siya mismong tinalikuran ng Kaliwa sa ngalan ng "taktika".

mag-aral ka pa.. mali ang suri.. tst3x..
Comment by pulang silangan — October 18, 2007 @ 8:42 am
Pulang Silangan,
Maraming salamat sa iyong komento. Palagay ko ikaw ang kaialaangang kritikal na mag-aral at iwaksi ang iyong dogmatismo para magamit mo ang rebolusyonaryong marxismo sa pagsusuri. Mungkahi ko na ipahayag mo rin ang iyong pagsusuri sa Erap’s Trial at magtalakauyan tayo.
Comment by internasyonalista — October 18, 2007 @ 1:05 pm
dogmatismo? nasubukan nyo na bang lumubog sa masa? ano ba ang pakahulugan ninyo ng dogmatismo?
panu ba talga kayo mag-suri? Marxista nga bang tlga? sinusuri nyo ba ang lipunan ayon sa mga kontradiksyon nito?
kung o0? natukoy nyo naman kaya nang tama ang mga kontradiksyon na iyon?
isa pa..
hindi pagpapalakas sa burgesya ang pagsanibsa kanila..
papatayin ninyo ang uring manggagawa sa inyong pagiging DOGMATISMO!
Comment by Pulang Silangan — October 25, 2007 @ 10:10 pm
ang dogmatismo ay pangungunyapit sa teorya na wala namang batayan sa kongkretong praktika ng internasyunal na kilusang manggagawa sa mahigit 200 taon na pakikibaka nito laban sa kapitalismo. kaya naman kakambal ng dogmatismo ang oportunismo sa larangan ng pulitika…
“hindi pagpapaalakas sa burgesya ang pagsasanib sa kanila” — kailan pa hindi lumakas ang burgesya ng sumanib sa kanila ang ibang uri sa lipunan laluna ang proletaryado? nakalimutan na ba natin ang karanasan sa 19th century, ang karanasan sa “popular front” sa WW II, ang karanasan ng oportunistang 2nd International sa WW I? Kung nakalimutan na ng ilang self-proclaim marxists ang mga ito ay HINDI ito nakalimutan ng internasyunal na uring manggagawa…
“Independent working class movement ay suicide” — ito ang napakalinaw na distorsyon sa marxismo. mulat sapul, lagi ng pinaninigan ng mga marxista mula pa sa panahon nila marx, engels at lenin na KAIILANGANG PANATILIHIN ng uring manggagawa ang kanilang independyenteng kilusan. ang hindi nakaunawa nito o binabago ang rebolusyonaryong laman nito ay HINDI TUNAY NA MARXISTA kundi nasa KALIWA NG BURGESYA…
ang totoong “suicide” ay gawing “cannon-fodder” ang uring manggagawa sa inter-imperyalistang labanan sa ngalan ng nasyunalismo, patriyotismo at demokrasya… wag nating kalimutan ang malagim na mga masaker sa WW I, WW II at lokalisadong mga digmaan sa ilalim ng banderang “war for national liberation”.
magsuri at mag-aral sa kasaysayan ng makauring kilusan
Comment by internasyonalista — October 26, 2007 @ 1:12 pm
napunto mo ang ibig sabihin ng DOGMATISMO, bagamat nais kong bigyang diin na hindi ko binanggit na kayo ay
lumubog sa “masang manggagawa” lamang. sabi ko, “lumubog kayo sa masa”, that is, ang masang Pilipino na bumubuo sa 99 bahagdan ng ating lipunang may saligang sistema na mala-kolonyal at mala-pyudal. kasama dito syempre ang uring magsasaka na bumubuo sa 75% lipunan.
kaya naman ito’y hindi pag-akusa sa inyo na kayo ay walang alam lalo’t nabanggit mo na kayo ay KABILANG SA MGA MANGGAGAWA, kundi isang pagtawag sa isang tunay na Marxistang pagsusuri, at iyon ay ang pagtukoy sa mga kontradiksyon. ang dalawang aspeto nito, ang primary at secondary aspects of contradiction ay mahalagang matukoy. sa konteksto ng lipunang pilipino, ang primary aspect o ang nagdadala ng kalikasan ng kontradiksyon ay ang naghaharing uri (1%) binubuo ng mga malalaking burgesyang kumprador, panginoong may-lupa at dayuhang monopolyo kapitalista; at ang secondary aspect o ang tagapagdala ng pagbabago ay ang pinaghahariang uri (99%) na binubuo ng mga manggagawa, magsasaka, peti-burgesya at pambansang burgesya na silang pinagsasamantalhgan sa isang MKMP na lipunan.
ang “independent working class movement” ay applicable lamang sa isang kapitalista o semi-kapitalistang lipunan!
at iyon samakatuwid ay hindi maaring ilapat sa lipunang Pilipino dahil nabanggit ko na na ito ay mala-kolonyal at mala-pyudal!
hindi ginagamit ang uring proletaryado bilang “canon-fodder” ng Marxista-Leninista-Maoistang Kaisipan.
ang uring ito ay ang mamumuno sa rebolusyon dahil sila ang “hukbong mapagpalaya”, hindi dahil sila ang pinakamarami.
(dahil hindi naman talga sila ang pinakamarami, 15% lamang sila ng populasyon)
sa ilalim ng MLM na teorya, hindi suicide ang pagturing sa kanila bilang pinuno ng rebolusyon,
dahil nariyan ang uring magsasaka, at ang iba pang uring pinagsasamantalahan at inaapi upang sama-samang isulong ang rebolusyon.
kaya naman, imposible ang pagtatagumpay ng “independyenteng kilusang mangggagawa”.
para sa pagpawi ng mga uri,
Pulang Silangan
Comment by pulang silangan — October 28, 2007 @ 8:22 pm
ang “independent working class movement” ay applicable lamang sa isang kapitalista o semi-kapitalistang lipunan! at iyon samakatuwid ay hindi maaring ilapat sa lipunang Pilipino dahil nabanggit ko na na ito ay mala-kolonyal at mala-pyudal! — Pulang Silangan
Kasama, ang uring manggagawa ay isang internasyunal na uri. Ang uring ito ay walang bansa. Ibig sabihin, salungat sa makauring interes ang pambansang interes. Subukan mong balikang basahin ang marxist classics para mas maunawaan mo na kailangan ang “independent working class movement” sa lahat ng mga bansa. Huwag kang magpakontento lamang sa BKP, On Contradiction, On Practice at Correct Handling of Contradictions Among the People ni Mao.
Paano mo i-refute ang siping ito mula sa Communist Manifesto?
“The lower middle classes, the small manufacturer, the shop keeper, the artisan, the peasant, all these fight against the bourgeoisie, to save from extinction their existence as fractions of the middle class. They are therefore not revolutionary, but conservative, nay more, they are reactionary, for they try to roll back the wheel of history” (Marx and Engels: The Communist Manifesto).
Ibig mo bang sabihin na ang Communist Manifesto ay hindi aplikable sa Pilipinas sa panahon ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo? Kung matali ka sa “partikularisasyon” (dahil mahigpit ang paniniwala mo na ang Pilipinas ngayon ay “hindi pyudal at hindi rin kapitalista” at hindi ito mapailalim sa pangkalahatan baka, ang the pinaka- elementaryang prinsipyo ng marxismo ay binitawan mo na rin.
Kung nabasa mo ang Imperialism: Highest Stage of Capitalism ni Lenin, dapat naunawaan mo ang internasyunalistang diwa at laman nito. Mungkahi kong basahin mo rin ang Accumulation of Capital ni Rosa Luxemburg.
Kaming mga iilang kabataang manggagawa ay patuloy na nag-aaral kasama ang iilang beteranong manggagawa sa iilang mga pagawaan. Marami pa kaming dapat matutunan sa marxismo, laluna sa ilang dekada punong-punong ng distorsyon at mistipikasyon ang salitang sosyalismo at komunismo dito sa Pilipinas.
Walang mawawala sa iyo kung mag-aral ka rin ng mga sulatin ng iba pang dakilang kider komunista tulad ni Rosa Luxemburg, Pannekoek, Gorter.
Subukan mo ring bisitahin ang website na ito: www.internationalism.org
Comment by internasyonalista — October 29, 2007 @ 12:57 pm