Oust the Bourgeois Administration and Opposition
ADMINISTRASYON AT OPOSISYON : PATALSIKIN SILANG LAHAT!
Tuloy-tuloy ang paglala ng krisis pampulitika sa bansa dahil sa lalupang paglala ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo.
Ang tumitinding bangayan sa loob ng nagharing uri – kampong maka-GMA at kampong anti-GMA – ay ginagatungan ng mga alitan sa loob ng kampong maka-Gloria at ganun din, sa loob ng kampong anti-GMA. Ang mga alitang ito sa loob ng magkabilang kampo ng nagharing uri ay pinaliliyab ng pang-ekonomiyang krisis na kongkretong makikita sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan na nabunga ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ito ang hindi maiwasang mangyari sa nagharing uri sa panahon ng permanenteng krisis ng sistema – “isa laban sa lahat”.
Ang mga isyu ng korupsyon, panunuhol, katiwalian, paglabag sa karapatang-pantao at iba pa ay PAREHONG ginagawa at patuloy na gagawin ng administrasyon at oposisyon. Walang pagkakaiba ang Lakas-CMD at Kampi sa PMP ni Erap, sa United Opposition ni Binay at maging sa nabubuong United Forces. Ito ang naranasan ng masang maralita sa nagdaang tatlong “Edsa Revolution” — ang dating oposisyon ay nalagay sa administrasyon at ang dating administrasyon ay naging oposisyon – subalit walang kaginhawaang naranasan ang mga manggagawa at maralita.
Hindi malulutas ng administrasyon at oposisyon ang mga mabibigat na problemang pinapasan ng mga manggagawa at maralita – patuloy na pagtaas ng presyo, mababang sweldo, kontraktwalisasyon, kawalang trabaho, pabahay, panlipunang serbisyo at iba pa. Kapwa ang administarsyon at oposisyon ay may parehong layunin – ipagtanggol ang mapagsamantala at nabubulok na kapitalistang sistema.
Isang bitag ang “fighting one enemy at a time” o “choosing the lesser evil”. Isang ilusyon ang paniniwala na ang pakipag-alyansa sa isang paksyon ng burgesya ay makapagpahina sa buong nagharing uri. Ang tunay na makapagpahina sa nagharing uri hanggang sa tuluyan itong maibagsak ay ang paglakas ng independyenteng kilusan ng manggagawa at maralita.
Ang panawagan ng iba’t-ibang grupo ng burges na oposisyon at Kaliwa ng “pagkakaisa” ng lahat ng grupo laban sa paksyong GMA ay walang ibig sabihin kundi ang ilagay sa Malakanyang bilang kapalit ng paksyong GMA ay isa na namang paksyon ng mapagsamantalang uri na “suportado” ng malawak na masa. Hindi na dapat pumasok ang masa sa ganitong patibong ng burgesya dahil tiyak na mauuwi na naman ito sa kapahamakan ng mga mahihirap at muling makapagpalakas sa ilusyon at demoralisasyon sa kanilang hanay.
Nararapat lamang na muling babangon ang militansya at diwang palaban ng uring manggagawa at maralita para sa tunay na pagbabago sa kanilang aping kalagayan. Nararapat lamang na muling magtiwala ang malawak na masang api sa kanilang sariling pagkakaisa at lakas sa pakikibaka. Subalit ang enerhiya ng militansya ay kailangang nakatuon sa pagpapalakas sa SARILING kilusan ng uring manggagawa at maralita na HIWALAY sa alinmang paksyon ng nagharing uri – administrasyon man o oposisyon.
Nasa paglakas ng INDEPENDYENTENG KILUSAN ng masang api ang pwersa para mahatak ang panggitnang uri sa tamang daan para sa pagbabago ng lipunan. Ang kongkretisasyon ng independyenteng kilusang ito ay makikita sa sumusunod:
- Isang kilusan na nakahiwalay sa kampo ng administarsyon at oposisyon. Higit sa lahat, isang kilusan na hayagang naglalantad na ang lahat ng mga paksyon ng burgesya kabilang na ang mga partido at grupo nila ay KAAWAY ng buong uring api dahil ang lahat ng mga paksyon ng mapagsamantalang uri ay NAGKAKAISA LABAN sa mga manggagawa at maralita. Kaya, walang anumang pakipag-alyansa alinman sa mga paksyong ito, temporaryo man o estratehiko.
- Isang kilusan na pangunahing nakibaka sa mga isyung direktang may kaugnayan sa pang-araw-araw na buhay ng malawak na masa at itinataas ang mga ito sa pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan ng mga manggagawa mismo.
- Isang kilusan na ang mga organisasyon ng pakikibaka ay mga asembliya at konseho ng mga manggagawa – regular, kontraktwal, walang trabaho, nasa pribado man o publikong sektor, unyonista man o hindi – sa mga pagawaan at komunidad kung saan ang otoridad ng pagkilos ay nasa kapasyahan ng mga asembliyang ito at wala sa mga unyon. Ang mga konsehong ito ang siyang dapat maging organo ng kapangyarihan pagkatapos maibagsak ang paksyong Arroyo.
- Isang kilusan na nagtatakwil na may magagawa ang kongreso at senado para sa kapakanan ng uring pinagsamantalahan sa harap ng tumitinding krisis ng pandaigdigang kapitalismo.
- Isang kilusan na nagtatakwil sa inter-classist na “caretaker government”, “transitional government” o “coalition government”.
Ang sentral na mga islogan ng kilusang ito ay:
ISULONG ANG KILUSANG MASA LABAN SA ADMINISTRASYON AT OPOSISYON!
GAWING PAMPULITIKANG PAKIKIBAKA ANG MGA PANG-EKONOMIYANG PAKIKIBAKA!
ITAYO ANG MGA KONSEHO NG MANGGAGAWA BILANG MGA ORGANO NG KAPANGYARIHAN MATAPOS MAIBAGSAK ANG PAKSYONG ARROYO!
Sa ganitong mga islogan lamang hindi na mauulit ang masaklap na karanasan ng nagdaang tatlong “Edsa Revolution” kung saan pinaaasa ang mga mahihirap na ang kanilang kaligtasan ay nasa mga popular na burges na lider ng oposisyon at rebeldeng militar.
INTERNASYONALISMO
(kung sang-ayon ka sa pahayag na ito ay pakibigay sa iyong mga kaibigan at kasamahan)

maganda ang blog mo nga lang ay idealistiko masyado ang dating lalo na’t lumalabas na nakikita mo lamang ang marxistang teorya bilang propaganda kontra kapitalismo sa halip na isalin ito sa isang ganap na pakikibakang hindi lamang nagsusulong ng rebolusyon ngunit maging ang kaunlaran ng masang anakpawis sa kasalukuyang panahon. malinaw na patunay nito ang mga suhestiyon mong abstrakto na kay daling sabihin ngunit hindi naman binabagtas ang framework ng kasalukuyang cultural at pulitikal na klima ng lipunang iyong ginagalawan. mga basic na ang mga suhestyong naihain ayon sa doktrinang marxista ngunit ang dapat tuklasin ay kung paano iyan maisasakatuparan. kung gayon, kinakailangan ng pagsangguni sa maturity ng lipunan tungo sa pagbabago.
bagaman naniniwala ako sa ilang puntong inihahain mo (lalo na sa laman ng blog post na ito), “bookish” ang dating at manapa’y ang radikal na tono’y hindi nagbabadya ng paglaya mula sa opresyon ngunit sense of hostility na maaaring pagkamalan bilang paglayo sa mga prinsipyo ng demokrasya (lalo na sa pagbibigay bigat sa salitang kaaway) lalo na’t vangaurdist ang dating.
ngunit maaaring hindi ka pa tapos. kung magiging komprehensibo ito tulad ng/mas komprehensibo kaysa PSR ay baka mas maging malinaw ang iyong mga punto. sana’y makagawa ka pa ng mga iyong pagsusuri sa pakikibaka sa setting ng pilipinas.
ipagpatuloy mo lang.
Comment by bahuba express — November 22, 2007 @ 12:47 am
maraming salamat sa komento…
paumanhin pero hindi ako ideyalista. ang balangkas lamang ng aking pananaw ay internasyonalista. ibig sabihin hindi sa 4 na sulok ng isang bansa dahil ang uring manggagawa ay walang bansa. ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ay kailangang nasa internasyunal na balangkas — kasaysayan nat kalagayan ng class struggle at world capitalist system. kung mapapansin mo, ito ang framework ng akin/aming pagsusuri sa kalagayan ng bansa (Pilipinas o anumang bansa).
sa ganitong balangkas, bilang internationalist communist (left-communist sa historical na termino) mas matalas na maunawaan ang sitwasyon ng isang bansa. sa ganitong balangkas, ang pagbuo at pagsusulong ng isang independent working class movement ay international. ang “national” working class movement ay napailalim at nagsisilbi sa pagpapalaks ng kilusan sa pandaigdigang saklaw.
maging ang assessment sa balance of class forces ay kailangang titingnan sa international na saklaw at hindi sa pambasang saklaw.
ang ideyalista at lutang sa realidad ay yaong mga tao o grupo na bilanggo ang pagsusuri sa apat na sulok ng kani-kanilang mga bansa at tinitingnan lamang ang international situation bilang “external factor” at malala pa, sa isang inter-claassist framework.
maraming salamat….
Comment by internasyonalista — November 22, 2007 @ 1:11 pm