INTERNASYONALISMO

WORKERS OF THE WORLD, UNITE!

Workers have no country. Their class interest have no boundaries.

December 17, 2008

Philippine Situationer December 2008

Filed under: Philippine Politics


Ang Pambansang Kalagayan ng Pilipinas

1. Nagsisikap itago ng Kanang paksyon ng burgesyang Pilipino sa pangunguna ng paksyong Arroyo ang tunay na kalagayan ng krisis sa pagsasabing “hindi masyadong” maapektohan ang ekonomiya ng Pilipinas sa lumalalang pandaigdigang krisis ng kapitalismo dahil “nanatiling malusog” ang pambansang ekonomiya.

Nakakatawa at nakakaasar ang baluktot na lohikang ito dahil hindi ito kumakatawan sa katotohanan ng pandaigdigang kapitalismo at sa integrasyon ng pambansang ekonomiya sa pandaigdigang ekonomiya kundi umaayon lamang sa layunin ng naghaharing paksyong may hawak ng kapangyahrihan na ipagtanggol ang kanyang dominasyon laban sa kanyang mga karibal na naghahangad na patalsikin ito.

Kaya noong kasagsagan ng walang hintong pagtaas ng presyo ng langis at bigas, ang katwiran ng paksyong Arroyo at ng kanyang mga “eksperto” ay hindi mapigilan ang pagtaas ng presyo dahil ito ay isang “pandaigdigang pangyayari na hindi kontrolado ng alinmang pambansang gobyerno”. Ibig sabihin, inutil ang pambansang estado dahil ito ay isang pandaigdigang problema kung saan integrado ang ekonomiya ng bansa.

Sa ganitong linya din nitong huli, nag-aastang “tagapagtanggol” ang estado sa mamamayan ng ginigiit nitong “hindi sapat” ang pagbaba ng presyo ng langis kumpara sa pagbagsak ng presyo sa pandaigding pamilihan. Nagkaroon tuloy ng “taktikal na alyansa” ang Kanan at Kaliwa sa ganitong usapin.

Subalit ng pumutok ang panibagong pandaigdigang krisis nitong Setyembre na pinangunahan ng pinakamakapangyarihang imperyalistang bansa sa mundo, ang Estados Unidos,biglang hindi na ginamit ng estado ang argumentong “integrado ang pambansang ekonomiya sa pandaigdigang ekonomiya” kundi “independyente” ang ekonomiya ng Pilipinas at ang “krisis ay nasa EU at Uropa lamang”. Biglang binura ng mga “ekspertong” ekonomista ni Arroyo ang integrasyon ng ekonomiya sa pandaigdigang kapitalismo sa usaping ito.

Dalawang mayor na kasinungalingan ang pinanganladakan ng paksyong Arroyo: (1) nanatiling istable ang kalagayan ng OFWs na isa sa mayor na pinagkukunan nito ng pera, (2) hindi nakasandal ang eksport ng bansa sa Amerika.

Subalit anuman ang paraan ng pagtatago ng rehimen, halatang-halata na nababahala ito at natataranta sa kalagayan ng pambansang ekonomiya dahil sa panibagong krisis ng pandaigdigang dekadenteng kapitalismo.

2. Kung nagkabuhol-buhol ang argumento ng Kanan sa pagsusuri sa krisis at sa solusyon nito, ganun din ang Kaliwa sa pangunguna ng mga maoistang CPP-NPA-NDF.    

Ayon sa Kaliwa pumutok ang krisis dahil “hinayaan” ng estado ang mga pribadong kapitalista sa pagkamal ng tubo at pagsasamantala sa mga manggagawa laluna sa larangan ng ispekulasyon. Samakatuwid, nagkaroon diumano ng krisis dahil walang regulasyon at kontrol ng estado sa pagpapatakbo ng ekonomiya. Ito ang bag-as ng linyang anti-globalisasyon ng Kaliwa.

Ang ganitong linya nila ang dahilan na humantong ang kanilang pagsusuri at solusyon sa krisis gaya ng sa Kanan: “hindi gaanong maapektohan at madaling maalpasan ang epekto kung meron man, kung inuuna ng estado ang pagtatanggol sa sariling pambansang ekonomiya laban sa mga karibal nito”. Sa madaling sabi, kung may regulasyon at kontrol mula sa gobyerno.

Iba-iba man ang radikal na lenggwaheng ginagamit ng iba’t-ibang grupo ng Kaliwa sa pagsusuri sa kasalukuyang krisis, iisa lamang ang kanilang kongklusyon at solusyon: pahigpitin ang kontrol ng estado sa buhay panlipunan ng bansa.

Ang tunay na kalagayang pang-ekonomiya ng Pilipinas

3. Ang ekonomiya ng Pilipinas ay integrado na sa pandaigdigang ekonomiya gaya ng lahat ng mga bansa. Wala ng independyenteng pambansang ekonomiya sa panahon ng imperyalismo. Higit sa lahat, wala na ring patas na kompetisyon sa panahon ng dekadenteng kapitalismo. Ito ang katotohanang nais itago ng mga “reboluyonaryong” organisasyon at partido sa Pilipinas na patuloy na naghahasik ng ilusyon sa masang manggagawa na maari pang maging malaya ang Pilipinas sa kuko ng imperyalismo sa ilalim diumano ng “gobyerno ng bayan” o “gobyerno ng manggagawa”[1] kahit pa nanatiling naghahari ang kapitalismo sa pandaigdigang saklaw.

4. Dahil sa walang solusyon na krisis sa sobrang produksyon ng kapitalismo, lahat ng mga bansa (kabilang na ang Pilipinas at hindi lamang ang malalaking imperyalistang mga bansa gaya ng EU) ay nagpapaligsahan na mapalaki ang kanilang industriyang pang-eksport[2] at mapaliit ang kanilang import. Subalit ang krisis sa sobrang produksyon, pagkasaid ng pandaigdigang merkado at ang kaakibat na tumitinding kompetisyon sa pagitan ng mga pambansang kapital ang nagtulak sa mga kapitalista na maghanap ng mas murang lakas-paggawa sa loob at labas ng kani-kanilang mga bansa.

Hindi lamang pamurahan ng produkto kundi pamurahan ng lakas-paggawa ang resulta ng krisis ng sobrang produksyon. Nagbunga ito ng pagiging pandaigdigan din ng katangian ng paggawa ng produkto. Ang mundo ay naging parang napakalaking pabrika kung saan ang mga departamento ng asembliya ay ang mga bansa kung saan naroon ang murang paggawa.

5. Ang Pilipinas na nabansot ang kapitalistang pag-unlad dahil wala ng kapasidad pa ang pandaigdigang sistema na paunlarin ang mga atrasadong bansa ang isa sa malinaw na ehemplo sa ganitong kalagayan:

 a. Ang pagiging eksporter nito ay nagmula sa pagiging mura ng kanyang lakas-paggawa. Kaya lang, hindi lamang ang Pilipinas ang naghahangad na maging malaking eksporter. Katunayan natalo na ang Pilipinas sa China at Vietnam sa pamurahan ng lakas-paggawa.

Ang malaking produktong pang-eksport ng Pilipinas ay mga “hilaw na materyales” para sa paggawa ng produkto gaya ng electronics at computer chips. Ngunit hindi ito ang pangunahing eksport ng bansa kundi ang murang lakas-paggawa mismo. Katunayan, ang bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas maliban sa pangungutang ay ang remittances ng mahigit 9 milyong OFWs. Pero hindi lang ang Pilipinas ang ganito ang kalagayan. Maraming mga bansa sa Ikatlong Daigdig gaya ng Bangladesh, Sri Lanka at Aprika ang umaasa din sa eksport ng lakas-paggawa.

b. Importer naman ito sa mga yaring produkto. Kahit bigas ay ini-import ng bansa na dating numero unong eksporter noong 1970s. Ekspresyon lamang ito na ang kapitalismo sa bansa ay bansot at napakahina. Subalit nag-iilusyon ang Kanan at Kaliwa ng burgesya na mapaunlad pa ang kapitalismo sa Pilipinas. Ang paksyong Arroyo ay nagdidiliryo sa pagsasabing magiging industriyalisadong bansa ang Pilipinas gaya ng mga bansa sa Unang Daigdig sa taong 2020. Ang CPP-NPA-NDF naman ay nagkukumahog na maging industriyalisado ang Pilipinas sa pamamagitan ng matagalang digmaang bayan sa kanayunan.  

6. Isang malaking kasinungalingan ang sinasabi ng mga “ekspertong” ekonomista ng rehimeng Arroyo na “hindi gaanong maapektohan” ang pambansang ekonomiya at “malusog” ito kahit pa nasa krisis ang pandaigdigang kapitalismo. Dahil pangunahing umaasa sa eksport ang Pilipinas doon sa malalaking imperyalistang mga bansa, bubulusok ang ekonomiya ng una kung bubulusok ang huli. Ito ang bunga ng integrasyon ng mga pambansang ekonomiya sa pandaigdigang ekonomiya na nasa permanenteng krisis na.

Sa totoo lang, wala namang naniniwala sa propaganda ng gobyerno dahil ramdam at naranasan na ito ng masang manggagawa: tanggalan, rotation, temporary shutdown, at higit sa lahat ang pag-uwi ng libu-libong OFWs na tinanggal sa trabaho dahil sa krisis. Kahit ang burges na media ay hindi na ito maitago pa[3].

7.  Ang “malusog” na ekonomiya ng gobyerno ay nakasandal sa utang na hindi na mabayaran[4]. Ang ekonomiya nito ay umaasa sa pangungutang at pagpiga ng buhis sa masang anakpawis. Sa madaling sabi, ang “malusog” na ekonomiya ng kapitalismo sa bansa ay nakatungtong sa naghihikahos na populasyon.

Ang malaking problema ngayon ay hindi na ito makautang pa na kasing dali at kasinglaki noon dahil hindi na rin madaling magpapautang ang mga internasyunal na bangko na lugmok sa krisis. Maliban sa ang mga bangko ang unang tinamaan ng krisis, mas uunahin ng mayayamang mga bansa ang pagsalba sa kani-kanilang nalulunod na mga pambansang kapital[5]. Pangalawa, kung bumabagsak ang eksport ng bansa laluna ang napipintong pag-uwi ng daan-daang libong OFWs, wala ng mapagkukunan ng pera ang estado maliban sa buhis ng naghihikahos na sambayan.

Kaya kung hahambalos na ang mas malakas na unos ng pandaigdigang krisis sa susunod na taon sa bansa, walang kapasidad na mag-bailout ang estado sa mabangkarotang mga kompanya at bangko.

Ang katotohanan: napakahina ng ekonomiya ng bansa at nakasandal pa ito sa marupok na pandaigdigang ekonomiya. Kung tuloy-tuloy na babagsak ang pandaigdigang ekonomiya sa susunod na mga taon, partikular ang China, Japan, USA[6] at kung aabot na ang bagyo ng krisis sa Gitnang Silangan kung saan naroon ang malaking bilang ng OFWs, tiyak guguho ang ekonomiya ng Pilipinas.

May solusyon pa ba ang burgesyang Pilipino sa kalagayang pang-ekonomiya ng bansa?

8. Kung ang Kanan at Kaliwa ng burgesya ang tatanungin, MERON.

a. Mas pahigpitin ng estado ang kontrol sa ekonomiya[7]. Ang Kaliwa ay nanawagan ng direktang kontrol at regulasyon ng estado at “humiwalay” sa kontrol ng makapangyarihang imperyalistang mga bansa gaya ng Amerika. Sa madaling sabi, proteksyunismo at nasyunalismo.

Ang linya naman ng Kanan ay mas pamurahin pa ang lakas-paggawa at makipagkompetinsya sa ibang mga bansa sa Ikatlong Daigdig para mas maengganyo ang mga dayuhang kapitalista na dito maglagak ng kapital kaysa mga karibal nito. Kaugnay nito, hangad ng Pilipinas na maengganyo ang mga bansa sa Uropa, China, Japan na maglagak ng dagdag na puhunan sa bansa. Pahiwatig lamang ito na ang burgesyang Pilipino ay nakahandang talikuran ang kanyang pagiging tuta sa Amerika kung may ibang malaking imperyalistang bansa na sa tingin niya karapat-dapat maging bagong amo. Ganun pa man, pagpapahigpit pa rin sa pagkontrol ng estado ang paraan ng Kanan.

Ang mas pursigidong panibagong cha-cha ng rehimeng Arroyo ay nakasentro sa pagbabago ng mga probisyon sa 1987 Konstitusyon para mas katanggap-tanggap sa mga dayuhang kapitalista kumpara sa mga karibal nitong mga bansa na naghahangad din ng dayuhang kapital.

b. Makumbinsi ng uring kapitalista ang manggagawang Pilipino na lalupang magsakripisyo para “makabangon” ang ekonomiya. Ito ay sa pamamagitan ng mas mababang sahod katumbas ng “regular” na trabaho, pagtalima sa rotation work at pagbawas ng oras-trabaho o kaya sa malawakang tanggalan at pagtanggap sa karagdagang buhis na ipapataw ng estado.

k. Panibagong pandaigdigang digmaan para muling hatiin ang mundo.

Ang letra (k) na siyang epektibong solusyon ng burgesya sa kanyang krisis ay malayo pang mangyari dahil hindi pa kumbinsido ang uring manggagawa na magsakripisyo sa digmaan gaya noong WW I at WW II. Subalit, kasing lagim ang nangyayaring mga lokal at pambansang digmaan ngayon kung saan milyun-milyong tao ang namatay o nawalan ng tirahan. Higit sa lahat, kung mangyari ito, tiyak mawawasak na ang mundo.

Ang letra (a) ay hindi solusyon sa krisis ng sobrang produksyon. Bagkus, pinalala lang nito ang sitwasyon. Noong 1930s hanggang 1970s ito na ang pangunahing polisiya ng mga estado sa buong mundo: proteksyunismo at regulasyon ng estado.  Ang resulta, lalong nalugmok sa utang ang mga estado dahil sa pagsalba sa mga bangkarotang kompanyang pag-aari nito.  Nagkaroon ng krisis sa sobrang produksyon dahil wala ng bagong merkado pa na mapagbentahan ng mga yaring produkto at sa katangian mismo ng kapitalismo na anarkiya sa produksyon tulak ng kompetisyon direkta mang kontrolado o hindi ng estado ang mga ekonomiya at industriya.

Dagdag pa, imposible na ang malayang bansa sa panahon ng imperyalismo. Ang imperyalismo ay isang pandaigdigang sistema ng kapitalismo kung saan nasa istorikal na yugto na ito ng kanyang pagbulusok-pababa. Ito ay hindi lamang polisiya ng iilang malalaking bansa kundi ng lahat ng mga bansa kabilang na ang Pilipinas. Ang paglaya ng Pilipinas mula sa imperyalistang Amerika ay pagpasok naman nito sa “praternal” na relasyon sa ibang mga malalaking kapitalistang bansa na karibal ng Amerika.

Dalawang kontradiksyon na nasa kalikasan ng dekadenteng kapitalismo ang dahilan ng krisis sa sobrang produksyon:

– Makatanggap lamang ng sahod ang manggagawa kung makagawa siya ng produkto lampas sa kanyang sweldo o labis na halaga. Ibig sabihin, ang mga yaring produkto ay hindi kayang bilhin lahat ng mga manggagawa at maging ng uring kapitalista mismo. Kailangan ng mga kapitalista na maibenta ang produkto nila doon sa mga saray na hindi manggagawa gaya ng magsasaka at peti-burgesya na makikita sana doon sa mga hindi-pa-kapitalistang mga lipunan. Kaya noong 19 siglo kung saan hindi pa lubusang nasakop ng kapitalismo ang buong mundo ay maari pa itong makahanap ng bagong pamilihan na siyang pangunahing dahilan kung bakit may kapasidad pa itong magbigay ng mga makabuluhang reporma para pakalmahin ang pakikibaka ng proletaryado.

Subalit magmula 1914 ay ganap ng nasakop ng kapitalistang mga relasyon ang buong mundo at dinudurog mismo ng kapitalismo ang uring magsasaka at peti-burgesya para gawing sahurang alipin. Kaya magmula 20 siglo naging permanente na ang krisis sa sobrang produksyon.

– Dahil sa mas umiigting na kompetisyon ng mga pambansang kapital sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, nagpapaligsahan ang bawat bansa sa pamurahan ng lakas-paggawa. Lalupang nagtulak ito na hindi na makabili ang manggagawa kahit ng kanyang batayang pangangailangan para mabuhay. Mas lalo tuloy lumala ang krisis sa sobrang produksyon.

Magmula 1970s, matapos pumutok ang panibagong krisis ng kapitalismo sa huling bahagi ng 1960s, gumawa ng artipisyal na pamilihan ang pandaigdigang kapital para mabili ang sobrang produkto nito. Ang artipisyal na merkadong ito ay ang pagpapautang sa mga bansa sa Ikatlong Daigdig. Magmula noon, gumagalaw ang pandaigdigang ekonomiya dahil sa pagpapautang at pangungutang. Ang “solusyon” sa loob ng 40 na taon ay naging halimaw na ngayon na siyang pangunahing nagtulak para sumabog ang panibago at mas malalim na krisis sa mundo ng kapitalismo.

Nagsisinungaling ang Kaliwa sa manggagawa sa kanilang propaganda na kaya pa ng kapitalismo at ng mga estado na itaas ang tunay na sahod ng mga manggagawa sa panahon ng imperyalismo. Ang totoo, batayang rekesito na ngayon ng kapitalismo na ibagsak ang sahod ng manggagawa para patuloy siyang mabuhay. Ang kampanyang “economic relief” ng Kaliwa ay pagtatanggol at pagtulong sa kapitalistang estado para hindi ito ibagsak ng uring manggagawa. Para sa Kaliwa, ang pang-uuto ng Malakanyang at parlyamento para sa “economic relief” ay “tagumpay” ng kilusang masa habang sa dulo ng kanilang pagbubunyi ay sasabihin sa proletaryong Pilipino na “hindi pa ito sapat, kaya tuloy ang laban para sa mga reporma”. Ang katotohanan, ang pagtali ng Kaliwa sa uring nakibaka sa mga repormistang pagkilos ay tuloy-tuloy na pagkatalo ng uri.

Ang bail-out na ginawa ng EU at iba pang imperyalistang bansa sa mga bangko at pabrika ay pagsisikap lamang na ibalik ang tiwala at kumpyansa ng masang anakpawis at maging ng indibidwal na mga kapitalista sa kapitalistang sistema mismo at hindi para bigyang solusyon ang krisis sa sobrang produksyon sa pamamagitan ng artipisyal na pagpasigla sa ispekulasyon at pagpapautang.  Subalit ang layuning ito ng mga imperyalista ay mabilis na maglalaho dahil ang naghihirap ng masang manggagawa ang papasan (pagbayad ng utang ng estado at buhis) sa bail-out.

Gumagawa din ng ilusyon ang Kaliwa sa panawagang dapat daw ang i-bail-out ng kapitalistang gobyerno ay ang uring manggagawa na lubog sa utang kaysa mga bangko at pabrika. Sa kalikasan pa lang ng estado na tagapagtanggol sa interes ng naghaharing uri ay imposibleng tulungan nito ang masang manggagawa. Ang layunin ng bail-out ay isalba ang bumabagsak na sistema at hindi isalba ang manggagawa. Ang panawagang ito ng Kaliwa ay tahasang repormista at kontra-rebolusyonaryo. Higit sa lahat, wala ng kapasidad ang bulok na sistema na magbigay ng anumang makabuluhang benepisyo sa masang anakpawis. Katunayan, marami sa mga naipanalo ng uri sa 19 siglo ay binabawi na ngayon ng naghaharing uri.

Magkaiba man ang panawagan ng Kanan at Kaliwa kung sino ang salbahin, nagkakaisa sila sa layuning gawin ang lahat para ibalik ang tiwala at kumpyansa ng sambayanang api sa mapagsamantalang sistema!

Ang letra (b) kung siyang mangingibabaw ay hindi magbunga ng solusyon sa krisis kundi ng matinding kahirapan sa demoralisado at nagkawatak-watak na manggagawang Pilipino. Ito ay manipestasyon ng lubusang pangingibabaw sa mga manggagawa ng ideolohiyang burges na “bawat isa para sa kanyang sarili” at “isa laban sa lahat”. Ganito ang nangyari noong Great Depression sa 1930s matapos matalo ang unang internasyunal na rebolusyoanryong alon at nangibabaw ang Stalinismo sa “internasyunal na kilusang komunista”. Sa demoralisasyon at pagkawatak-watak ng internasyunal na uri naisagawa ng burgesya ang WW II.

 9. Wala ng solusyon ang burgesya sa kanyang sariling krisis sa sobrang produksyon maliban sa panibagong pandaigdigang digmaan at ito na rin malamang ang kataposan ng sibilisasyon. Lalunang hindi solusyon para sa burgesya at gobyerno na tulungan ang manggagawang Pilipino dahil para na rin niyang pinapatay ang kanyang sarili.

Ang krisis sa ekonomiya ay makikita sa krisis sa pulitika

10. Ayon sa materyalismong istoriko, ang pulitika ay nakasandal sa ekonomiya at sumasalamin dito. Kung may krisis sa ekonomiya, tiyak may krisis sa pulitika.  Kung kayang itago ng estado sa mga ilusyon at pagretoke sa mga datos ang krisis sa ekonomiya, hindi ito kayang itago sa krisis sa pulitika.

11. Tumitindi ngayon ang alitan at bangayan ng mga paksyon sa loob ng naghaharing uri hindi lamang sa loob ng administrasyon kundi maging sa oposisyon. Sa kasalukuyan, kitang-kita ito sa bangayan na nangyayari sa mga presidentiables sa loob ng oposisyon sa Senado sa pagitan nila Manuel Villar, Panfilo Lacson, Loren Lengarda at Manuel Roxas. Makikita din ito sa walang katapusang maniobrahan para mapatalsik si Gloria sa pwesto. Lahat na ng mabahong isyu ay nagbabatuhan ang kampo ng administrasyon at oposisyon gamit ang media at ang mga institusyon ng kongreso at senado. Ang Simbahan, ang isa sa pinaka-reaksyunaryo at konserbatibong institusyon ng lipunan ay muling nagsisikap na ibangon ang kanyang malakas na impliwensya sa taumbayan laluna sa panggitnang pwersa sa pamamagitan ng pagiging aktibo nito sa usaping pampulitika. Humihilera ngayon ang Simbahan sa burges na oposisyon. Ang layunin nito ay pigilan ang masang anakpawis na tahakin ang rebolusyonaryong landas ng pakikibaka.

Maging ang charter change ng administrasyon ay hindi na pangunahin para palawigin ang termino ni Gloria lagpas sa 2010 kundi para idirehe ang burges na konstitusyon para subukang isalba ang naghihingalong ekonomiya ng bansa. Ang tunay na layunin ng cha-cha ni Gloria ang nais itago ng burges na oposisyon at nilalason ang utak ng mamamayan na ito ay para sa pampulitikang ambisyon ni Gloria na manatili sa Malakanyang lagpas sa 2010.

Itinatago ng oposisyon ang tunay na layunin ng cha-cha dahil wala namang problema sa kanila  ang pagbabago sa konstitusyon para patuloy na pagsamantalahan ang masang anakpawis. Ang kasalukuyang konstitusyon man o panibagong konstitusyon ay kapwa walang halaga sa uring proletaryo dahil ito ay isang burges na konstitusyon sinuman ang nasa kapangyarihan.

Si Gloria mismo, maka-Gloria o anti-Gloria man ang uupong pangulo sa 2010 ay walang pagbabagong mangyari sa aping kalagayan at hirap na kabuhayan ng manggagawang Pilipino.  

Ang kilusang maka-chacha at anti-chacha ay hindi larangan ng labanan ng manggagawang Pilipino para susulong at uunlad ang kanyang sariling kilusan. Uunlad ang independyenteng kilusan ng manggagawa batay sa kanyang makauring mga isyu laban sa estado at sa lahat ng mga paksyon ng naghaharing uri.

Iisa lamang ang malinaw na pinakita sa bangayang ito: inutil ang kongreso/senado at ang kapangyarihan ay wala sa mga institusyong ito kundi nasa ehekutibo. Ito ang katangian ng estado sa panahon ng dekadenteng kapitalismo: ang kapangyarihan ay nasa ehekutibo na at wala na sa parlyamento hindi katulad noong 19 siglo kung saan sumusulong pa ang kapitalismo.

Ang nalalantad ay ang kutsabahan ng nag-aaway na mga paksyon ng burgesya – Kanan at Kaliwa, administrasyon at oposisyon – para patuloy na palakasin ang ilusyon na may silbi pa ang burges na eleksyon at parlyamentarismo para “ipagtanggol” at “isulong” ang interes ng masang api. Tiyak sa susunod na taon ang mga kilos protesta ng Kaliwa at mga “proyektong pangserbisyo” ng administrasyon ay magsisilbi na para sa eleksyon sa 2010. Nitong mga huling bahagi ng taon lang ay namayagpag na ang mga bandila ng Kaliwa na may kaakibat na “patylist” para sa prodyeksyon ng kani-kanilang partido pulitikal at simula pa noong nakaraang taon ang mga pulitikong may planong kakandidato ay nagsilabasan na sa TV at naririnig na sa radyo sa iba’t-ibang tipo ng advertisement at “pampublikong serbisyo”.

Sa lalim ng krisis ng sistema, humantong na sa armadong alitan at labanan ng mga paksyon ng naghaharing uri hindi lamang sa pagitan ng AFP at NPA, AFP at MILF, kundi maging sa loob mismo ng sandatahang lakas ng estado – AFP at mga rebeldeng militar.

Kung tumitindi ang bangayan ng mga paksyon sa loob ng administrasyon at burges na oposisyon, ganun din sa loob ng Kaliwa ng burgesya. Ang mga paksyon ng CPP-NPA-NDF, PMP, MLPP, RPA-ABB, BISIG-AKBAYAN-APL, at iba pa ay patuloy na naglaban-laban at nagpaligsahan kung sino sa kanila ang “sasambahin” ng sambayanang Pilipino na “tunay” na rebolusyonaryo at progresibo. Humantong din ito sa armadong labanan at asasinasyon ng kanilang mga lider.

Dagdag pa, maging ang ideolohiya ng Kaliwa na sinasamba ng kani-kanilang mga disipulo ay ginawa din nilang larangan ng paligsahan kung sino ang “tunay” na sumasamba at baliw na sumusunod: ang maoismo ng CPP ay binansagang rebisyunista ng isang grupo ng mga maoistang Pilipino na kumikilala sa “maoismo-thirdworldismo” bilang rurok ng kahibangan ng maoismo habang ang MLPP ay “nagmuni-muni” na kung kilalanin pa ba ang sarili na maoista. Ang trotskyismo naman ay pinag-aagawan ng iba’t-ibang grupito gaya ng RGK na kunin sa altar ng gangster na RPA-ABB.

Ang “marxismo-leninismo” naman ay napunit dahil sa tunggalian ng dalawang paksyon na maka-Lagman. Kapansin-pansin ngayon ang paghihiwalay ng mga pagkilos ng PM sa isang banda at Sanlakas/BMP sa kabilang banda. Nagsimula ito matapos ang eleksyon noong 2007 kung saan natalo ang PM sa partylist eleksyon. 

Ang mga grupito naman ng mga anarkista sa Pilipinas ay nakasentro sa kabataan na galit sa lahat ng tipo ng awtoridad. Nagkasya sa kampanyang vegetarian at parsyal na pakikibaka at bandalismo sa lansangan. Indibidwalismo at samahan ng awtonomiyang maliitang mga grupo ang dalda-dala nilang ideolohiya. 

Ang lahat ng ito ay manipestasyon lamang na tumitindi at lumalalim ang krisis ng bulok na sistemang pinagtatanggol nilang lahat. Ang dekadenteng kapitalismo ay nasa kanyang huling yugto na – yugto ng pagkaagnas o dekomposisyon.

Sa ngayon, para sa burgesyang Pilipino, mas epektibo pa ang papel ng Kaliwa na maging oposisyon para makapaghasik ng ilusyon sa manggagawang Pilipino. Titingnan na lang natin sa susunod na taon o sa 2010 eleksyon kung magkasundo na ba ang uring kapitalista na iluklok sa Malakanyang ang Kaliwa gaya ng ginawa nila sa Latin Amerika.

Ang paglaban ng manggagawang Pilipino

12. Namayagpag pa rin sa 2008 ang mga mutl-sektoral na kilusan kung saan ang lumalahok na manggagawa ay lumahok bilang mga indibidwal at nalusaw sa buhangin ng kategoryang “sambayanan”. Nanatiling halos wala ang independyenteng kilusang manggagawa. Walang nangyaring malalaking welga ng manggagawa laban sa atake ng kapital. Mangilan-ngilan lang din ang mga welga sa antas pabrika na pinamunuan ng mga unyon kung saan ang layunin ay para sa negosasyon ng CBA at karamihan ay nauwi sa pagkatalo.

13. Ang dumarami sa antas pabrika, ay ang mga nagsasariling pulong at diskusyon ng mga grupo ng manggagawa na nagpahayag ng diskontento at galit sa pang-aabuso at pagsasamantala ng kanilang among kapitalista. Karamihan sa mga ito ay nagsimula sa 3-10 manggagawa hanggang sa umabot sa 20 o higit pa subalit nanatiling minorya sa kabuuang bilang ng manggagawa sa pabrika. Naghahanap sila ng mga kasagutan at kagyat na solusyon sa kanilang aping kalagayan. Dahil napakalakas ng impluwensya at mistipikasyon ng unyonismo, karamihan sa mga grupong ito ay kusang lumapit sa mga unyon ng Kaliwa at sa tulak ng kanilang mga Pederasyon at partidong elektoral ay nauwi at nagtapos sa pagtatayo ng unyon. Ang iba naman sa mga grupong ito ng manggagawa ay direktang pumunta sa NLRC para magsampa ng kaso laban sa kanilang mapagsamantala at abusadong amo.

May ilang pangyayari na may ilang pabrika na kusang nag-organisa ang mga manggagawa para labanan ang pang-aabuso ng kanilang amo o superbisor na walang anumang impluwensya ng unyonismo o ng mga organisasyon ng Kaliwa. Nangyari ito nitong huling bahagi ng 2008 sa ilang pabrika ng MEPZA sa Cebu at malamang may mga ganito ding kaso sa ibang bahagi ng Pilipinas na hindi lang naprodyek sa media o kaya ay madaling natransporma ng Kanan at Kaliwa sa pagtatayo ng unyon.

14. Sa pangkalahatan, nanatiling malakas ang impluwensya ng unyonismo sa Pilipinas sa hanay ng diskontentong mga manggagawa dahil karamihan sa mga kapitalista (na may sahurang alipin mula 500 pababa) ay tutol na magtayo ng unyon kahit ito ay nakasaad sa burges na Konstitusyon. Karamihan sa mga kapitalista sa Pilipinas ay maliliit at impluwensyado ng peti-burges na kaisipan na ayaw nila ng may kasama (unyon) sa pagsupil sa mga manggagawa dahil maobliga sila na magbigay ng ilang mga panandaliang konsesyon sa masang api sa pamamagitan ng CBA para maikulong sa unyonismo ang huli. Kabaliktaran naman ito sa malalaking kompanya na may 500 manggagawa pataas na madulas ang pagtatayo ng unyon dahil kailangan ng kapitalista na may katuwang sa pangangasiwa at pagdisiplina sa kanyang maraming manggagawa. Ganun pa man, ang mga malalaking kompanyang pang-eksport na nasa export processing zone kasabwat ang estado ay matibay ang polisiyang “walang unyon at walang welga” hindi pa dahil ayaw nila sa unyon kundi ayaw nila sa welga. Pang-engganyo din ang polisiyang ito sa mga dayuhang kapitalista na sa mga export processing zones mayroong “industrial peace”.

Sa loob ng halos 100 taong pangingibabaw ng mga ideolohiya ng Kaliwa sa Pilipinas – Stalinismo-Maoismo, “Marxismo-Leninismo”, Trotskyismo at Anarkismo – at ng unyonismo hindi lumakas ang independyenteng kliusan ng manggagawang Pilipino. Sa halip, patuloy ito sa paghina at paglaganap ng demoralisasyon.

15. Ganun pa man, may liwanag pa rin sa hinaharap na magkaroon ng independyenteng kilusan ang manggagawang Pilipino.  Una, ang lumitaw na mga nagsasariling grupo at diskusyon ng mga manggagawa ay binhi na para simulan nila ang sariling pagsusuri sa kanilang kalagayan. Pangalawa, ang karanasan mismo nila sa unyonismo ang magtutulak sa kanila na kumilos labas sa bilangguang ito. Pangalawa, bilang bahagi ng internasyunal na uri, ang paglakas ng mga paglaban ng mga manggagawa laluna iyong labas na sa balangkas ng unyonismo sa abanteng kapitalistang mga bansa ay may impluwensya sa kamulatan ng manggagawang Pilipino.

Malaki ang pundamental na pagkakaiba ng makauring tunggalian ngayon sa gitna ng pinakamatinding krisis ng kapitalismo magmula 1960s kumpara noong 1930s. Ang krisis sa 1930s ay sumabog matapos ang pandaigdigang pagkatalo ng internasyunal na kilusang manggagawa habang ang krisis ngayon ay sumambulat sa panahon na bumabangon ang internasyunal na paglaban ng uri na nagsimula noong 2003.

Sa pagputok ng kasalukuyang krisis nitong Setyembre-Oktubre na sinimulan ng EU, tinugunan ito ng mga manggagawa sa iba’t-ibang panig ng mundo ng militanteng paglaban[8].

Perspektiba sa taong 2009

16. Sa paglala ng krisis ng pandaigdigang kapitalismo sa susunod na taon, asahang lalupang titindi ang mga atake ng estado at uring kapitalista sa mga manggagawa – tanggalan, rotation of work, pagbawas ng oras pagtrabaho, sarahan, atbp. Lalong babagsak ang tunay na sahod ng manggagawa at lalala ang kahirapang mararanasan nito.

Ang pangunahing indikasyon ng malalang krisis ay ang pagdami ng mga walang trabaho at kulang ng trabaho. Sa kasalukuyan mayroong mahigit sa 4.1 milyon walang trabaho at 6.8 milyon kulang ang trabaho. Tiyak na madagdagan ito sa susunod na taon. Ang kagyat na tatamaan ay ang mga industriya at serbisyong pang-eksport gaya ng electronics na 67% sa eksport, mga apparel at clothing na 5% at furniture at woodcraft na 2% noong 2007. Hindi pa kasama dito ang business process outsourcing (BPO) na may kasalukuyang 320,000 manggagawa. Ang sektor sa manupaktura ay nagtanggal na ng 125,000 manggagawa noong 2007.

Malaki din ang posibilidad na kung walang epekto ang bail-out ng mga estado sa Unang Daigdig sa kani-kanilang mga bangko at sa halip ay lalawak pa ito sa mga sektor ng manupaktura at industriya (na siya na ngang nangyari), magkaroon din ng malaking problema ang mga malalaking bangko sa Pilipinas gaya ng naranasan ng mga bangko sa abanteng mga bansa.[9]    

17. Sa kabilang banda, pangunahing pokus na ng Kanan at Kaliwa ay ang paghahanda para sa eleksyon sa 2010. Iinit ang batohan ng putik sa pagitan ng administrasyon at oposisyon, kampanya sa panghihikayat sa masang anakpawis na bumoto para ilabas ang galit sa administrayon,  at pagpapalakas ng mistipikasyon sa burges na demokrasya at eleksyon. Maging ang mga kilusang protesta ng Kaliwa ay sa eleksyon na magsisilbi at prodyeksyon ng kani-kanilang mga elektoral na partido. Naghahanda man sa eleksyon sa 2010, aasahang tatalas at titindi pa ang bangayan ng mga paksyon ng naghaharing uri na posibleng sasabog sa armadong labanan bago o pagkatapos ng eleksyon.

18. Palalakasin kapwa ng Kanan at Kaliwa ang panawagan para sa pambansang pagkakaisa at hindi para sa makauring pagkakaisa; ang panawagan para ipagtanggol ang demokrasya at pambansang interes para mailayo ang uring manggagawa sa mga pakikibaka na direktang tumatahak sa landas para ibagsak ang estado at ang sistema. Magmamaligsahan ang mga ito na kunin ang suporta ng mga makabayang kapitalistang Pilipino para ipagtanggol ang pambansang kapitalismo. Mapagpasya ang papel ng mga elektoral na partido ng Kanan at Kaliwa, mga unyon, simbahan at media para mahikayat ang aping proletaryado sa mistipikasyon ng eleksyon  at malusaw sila bilang uri sa mga multi-sektoral na kilusan.  

19. Bagamat lalong humina dahil sa sunod-sunod na kabiguan ng armadong rebelyon at pagkahuli ng kanilang mga lider, hindi pa rin lubusang naglaho ang mga grupo ng mga rebeldeng militar na patagong sinusuportahan ng mga paksyong kontra-Arroyo. Hindi malayong gagamitin ang mga grupong ito bago at pagkatapos ng halalan sa 2010 laluna kung matatalo na naman ang burges na oposisyon sa pandaraya ng naghaharing paksyon.

20. Ang napakaliit na bilang ng mga komunista sa Pilipinas ay may napakabigat na tungkuling makapag-ambag para organisahin ng manggagawang Pilipino ang kanilang sarili sa panahon  mismo ng kanilang pakikibaka. Maaring abutin pa muna ng ilang taon bago iigpaw ang kamulatan ng manggagawang Pilipino. Pero pabibilisin ito ng lumalalim na krisis ng pandaigdigang kapital at ng mabilis na pagkalantad ng Kaliwa at mga unyon sa pandaigdigang saklaw bilang kakampi ng kanilang mortal na kaaway.  

Sentral na tungkulin ng mga komunista sa Pilipinas na tulungan ang kanilang uri para sa ekstensyon ng mga pakikibaka upang mapigilan ang mga atake ng uring kapitalista. Nasa mga pakikibaka mismo ng uri ang kondisyon para organisahin nila ang kanilang sarili at mapaunlad ang makauring kamulatan at wala sa unyonismo, parlyamentarismo/elektoralismo o gerilya-ismo.

21. Subalit walang ilusyon ang mga komunista na sa malapit na hinaharap ay pakinggan ng malawak na manggagawa ang pagsusuri at panawagang nakabatay sa internasyonalismo at independyenteng kilusang manggagawa. Ang malamang makikinig at makipagdiskusyon sa mga komunista ay ang iilan, subalit dumaraming mga elemento na naghahanap ng teoretikal na klaripikasyon para sa tunay na pagbabagong panlipunan.

Sa kasalukuyang balanse ng pwersa sa pagitan ng burgesya at proletaryado; sa pagitan ng rebolusyon at kontra-rebolusyon, malaking tagumpay na para sa mga komunistang Pilipino ang pagdami ng mga elementong seryosong makipagdiskusyon hinggil sa Marxismo at kritikal na nagsusuri sa pulitika at ideolohiya ng iba’t-ibang grupo ng Kaliwa laluna sa usapin ng nasyunalismo, pambansang pagpapasya at unyonismo.

Anu’t-anuman, ang sukatan kung lumalakas ba ang kilusang manggagawa ay hindi ang partikular na bahagi lamang ng uri na nakabase sa pambansang antas kundi ang kilusang manggagawa sa pandaigdigang saklaw na malaki ang posibilidad na lalakas pa sa susunod na taon. Ang kilusang manggagawa ay isang internasyunal na kilusan. Ang kilusan para sa sosyalismo ay isang pandaigdigang kilusan. At ang paglakas ng internasyunal na kilusang manggagawa ang maging inspirasyon at magtulak sa manggagawang Pilipino (na bahagi ng internasyunal na kilusang ito) na hawakan ang kanilang pakikibaka sa kanilang sariling mga kamay – labas sa unyonismo at mistipikasyon ng nasyunalismo.

INTERNASYONALISMO

Disyembre 2008



[1] Walang tutol ang Kaliwa sa kapitalismo ng estado dahil para sa kanila basta palitan lang ang karatula ng “gobyerno ng bayan” o “gobyerno” ng manggagawa ito ay “sosyalismo” na o “progresibo” na. Para sa Kaliwa, ang isang gobyerno na kontrolado ng isang “partido komunista” kasama ang “progresibong” makabayang kapitalista ay isa ng “hindi kapitalistang bansa”. Tahasang binaluktot ng Kaliwa ang marxistang pagsusuri na ang estado ay kailangang durugin para makamit ang komunismo.

[2] Dumoble ang kalakalang eksport-import ng Pilipinas kumpara noong 1980s. Ang foreign direct investment (FDI) naman ay tumaas ng 15%-18% o US$19.0 bilyon nitong 2007. Ang isa sa pinakamalaking eksport ng Pilipinas – ang lakas-paggawa o OFWs – ay nakapagbigay ng US$14.5 bilyon remittance noong nakaraang taon o 10% sa of GDP.
 

[3] Lumabas na sa mga dyaryo ang libu-libong OFWs na natanggal sa trabaho kung saan ang pinakahuli ay ang mahigit 1,000 OFWs sa Taiwan. Gaya ng inaasahan, habang inamin ito mismo ni Gloria Arroyo, sinabi naman niya na “trickle” lang ito sa kabuuang OFWs para “pakalmahin” ang kanyang nasasakupan at panatilihin ang tiwala sa kanyang paghahari. Ganito din ang diliryo ni George Bush Jr. ilang linggo bago pumutok ang krisis sa Amerika noong Setyembre.

[4] Ang utang ng Pilipinas ay umabot na sa P3.798 trilyon nitong nakaraang taon. Ang babayarang interes ng estado ay P1.165 bilyon kada minuto. Kaya ang ginagawa ng gobyerno ay mangutang para pambayad sa utang! Ibig sabihin, ang bawat Pilipino ay may kasalukuyang utang na P42,637.88 at patuloy itong lalaki.

[5] Kaya napahiya si GMA noong sinabi niya sa media na may nakalaang bilyun-bilyong dolyares ang IMF-WB para tulungan ang mga ekonomiya ng Asya na alyado ng Amerika ng ang huli mismo ang nagsabi sa publiko na wala itong perang nakalaan para tulungan ang mga bansang ito. Katunayan, bumaba ang official development assistance para sa Pilipinas ng 30% o US$9.2 bilyon sa 2007 mula sa US$13.2 bilyon sa 2001.  

[6] Ang Japan at USA ay opisyal ng nagdeklarang nasa resesyon. Itinago ng USA ang kanyang resesyon na nagsimula pa noong Disyembre 2007 bago nahihiyang hayagang aminin sa publiko..

[7] Hindi na bago sa Pilipinas ang pagkontrol ng estado sa ekonomiya gamit ang ideolohiya ng nasyunalismo at pagtatanggol sa pambansang interes. Ginawa na ito ng rehimeng Disodado Macapagal sa kanyang ‘Filipino First Policy’ at ng diktadurang Marcos sa kanyang ‘Revolution from the Above’ at ‘New Society’.

[8] ‘The working class is already responding to the capitalist crisis’, World Revolution no. 320, www.internationalism.org

[9] Naramdaman na ito ngayon ng mga maliliit na mga bangko laluna ng mga rural banks. Nitong Disyembre lang, pitong rural banks na ang nagdeklara ng bank holidays o sa madalita salita, pagkabangkarota.

Comments »

The URI to TrackBack this entry is: http://internasyonalismo.blogsome.com/2008/12/17/philippine-situationer-december-2008/trackback/

No comments yet.

RSS feed for comments on this post.

Leave a comment

Line and paragraph breaks automatic, e-mail address never displayed, HTML allowed: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <code> <em> <i> <strike> <strong>

Please note that you need to be a registered member before you can post a comment. Comments are now also moderated and therefore will no longer appear immediately after posting. So please do not repost to avoid being tagged as a spammer
by our anti-spam system. If you want to register, please click HERE.



Anti-spam measure: please retype the above text into the box provided.






















Get free blog up and running in minutes with Blogsome
Theme designed by Minz Meyer

Modified by d.worker